Quality. Excellence. Service. Truth.

Sentro ng Sining, Kultura at Pag-aaral Bikolnon

Sentro ng Sining, Kultura at Pag-aaral Bikolnon

Naga College Foundation Cultural Arts Center (NCFCAC).

Pormal na itinatag ang Naga College Foundation Cultural Arts Center (NCFCAC) noong Nobyembre 27, 1980 ng magkaibigang William M. Espejo,Mary Ann Villanueva, Alan Padua, Romeo Mijares, Bebeth Napoles, Marilou Canosa, Emily Adorna at Domingo Camba, pawing mga mag-aaral noon sa mataas na paraalan ng Naga College Foundation. Noong una, tinagurian ang pangkat na Naga College Youth Society for the Theater Arts (NCYSA). Simula nang sumibol ang pangkat, kinilala at sinuportahan na ng administrasyon sa pamumuno ni Dr. Melchor T.Villanueva ang lahat ng proyekto ng NCYSA.

teatroNaga College Foundation Center for Arts Culture and Bicol Studies(1980)

Pagsapit ng 1983, pinalad na napasama ang NYCSA sa sampung (10) finalist ng pambansang timpalak ng KKK Playwriting and Production Contest para sa dulang “Kung hindi ngayon…Kaylan P?” ni William M. Espejo.

Noong 1987, nagsimulang lumawak ang sakop ng NCYSA. Nabuo ang Dance Troupe, College Choir, Children’s Theater, Visual at Creative Writing Group. Kasabay ng pagkabuo ng mga ito ay ang pagpapalit ng pangalan ng grupo. Tinagurian na itong Naga College Foundation Cultural Arts Center (NCFCAC). Sa mga taong ito rin nagsimula ang pagbigay ng skolarsyip sa mga kasapi ng pangkat. Ang kasapian ng grupo ay mga mag-aaral mula elementary hanggang kolehiyo.

Inanyayahan ng pangkat si Tony S. Espejo ng Bulwagang Gantimpala Foundation para magsagawa ng palihan para sa mga kasapi noong 1989.Nagsilbing hudyat ang palihan sa pagbabagong-bihis ng kanilang mga produksyon at ipinakilala ang NCFCAC bilang Curriculumm Based at isang Educational Theater Group. Ang kanilang mga produksyon ay nakaangkla sa kurikulum ng mga asignaturang inihahandog ng paaralan at dahil dito, magagamit ang teatro bilang lunduyan ng makabuluhang pag-aaral ng Sining, Panitikan, Kultura at Humanidade.

Layunin ng Naga College Foundation Cultural Arts Center na paunlarin at linangin ang kultura at sining ng mga Pilipino sa pamamagitan ng iba’t-ibang proyektong pang-edukasyon at pampamayanan. Maliban sa mga palihan sa acting, upang makapagdalubhasa ang mga miyembro sa larangan ng dulaan, nagdagdag na rin ang sentro ng ilan pang espesyal na kursong tulad ng Lighting Design, Musical Scoring, Production Management, Costume and Make-up Design, Marketing and Promotion, Stage Management at Set Design.

Ang mga kasapi ng pangkat ay ipinapadala sa mga panrehiyon, pambansa at pang-internasyunal na mga palihan sa Manila. Sa kasalukuyan, nagsilbing konsultant si Spanky Manikan,isang bantog at premyadong aktor at direktor sa telebisyon at teatro. Isa si Spanky Manikan sa mga nagsanay sa mga kasapi ng grupo. Noong 2002, nagsagawa si Manikan ng isang Palihan sa Aakting at Direkting na ginanap sa loob ng sampung (10) araw.

Patuloy na pumailanlang sa laot ng tagumpay ang pangkat. Mula 1987, lalo pang nag-ibayo ang pagsusumikap ng grupo sa pagbubukas ng marami pang pinto ng paglikha, pagsubok ng mga bagong estilo, pagsali sa iba’t ibang timpalak pandulaan, pagdalo sa iba’t ibang seminar-palihan, pagsulat ng dula, pagtatanghal ng mag konsyerto, pangangasiwa ng iba’t ibang espesyal na programang pangkalinangan ng paaralan, simbahan, local na pamahalaan, pampubliko at pribadong samahan, tumatayo bilang konsultant ukol sa mga programang pangkalinangan at tumutulong sa mga dating kasaping nais magtatag ng bagong pangkat pandulaan.

Sa pamumuno ni Dr. William M. Espejo, A rtistikong Direktor ng NCFCAC, kinikilala ang sentro hindi lamang sa Bikol kundi sa buong Pilipinas. Nakamtan ng sentro ang maraming papuri at parangal tulad ng: Best Play – Regional Play Festival (1983); Magnolia Youth Achievement Awardee (1991); Best Presentation – Grand Prize Winner – Peñafrancia Fiesta Civic Parade Cultural Competition (1993-1996); First Regional Pastores Festival, 3rd Prize Winner (2002).

Taong 1989, itinanghal ng pangkat ang dulang “Paglilitis Kay Mang Serapio” ni Paul Dumol sa direksyon at konseptwalisasyon ni Dr. William M. Espejo na nagdambana sa NCFCAC sa pagtatamo ng Unang Gantimpala sa Unang Pambansang Paligsahan sa Dula na ginanap sa Cultural Center of the Philippines.

Lalo pang lumawak ang mga Gawain ng pangkat nang dumatal ang taong 2000. Naorganisa ang Act 1 ( Actors Company for Teachers) – pangkat ng mga gurong kasapi na ng sentro buhat sa iba’t ibang departamento at tanggapan ng kolehiyo na matagumpay na ring nakapagtanghal ng mga dula sa pagdiriwang ng anibersaryo ng NCF taun-taon. Malaki ang naiambag ng ACT 1 sa promosyon ng sining at kultura sa mga mag-aaral at mga empleyado ng Naga College Foundation.

Kinilala ang NCFCAC ng National Youth Commission bilang finalist sa 10 most Accomplished Youth Organization of the Philippines noong 2002 dahil sa mga mahalagang ambag nito sa pagpapaunlad ng kultura at sining ng mga Bikolano at ng buong kulturang Pilipino. Ipinagdiriwang ng pangkat ang ika-25 taong pagkakatatag ang NCFCAC nang sumapit ang 2005.

Naging bahagi rin ng programa ng NCFCAC sa pagbuo ng mga produksyon pambata. Kabilang na rito ang “Tropang Bulilit” na isinulat at idinirihe ni Marivic Salvador. Itinanghal sa NCF High School Ground noong Mayo 21, 1990, ang dula ay tungkol sa pagiging makasarili, ang hindi pag unawa sa kakulangan at kahinaan ng iba, ang pagiging matigas at mapangarapin, ang pag-iwan sa halip na paagdamay, and paghihiwalay sa halip na pagkakaisa.

Isa pang dulang pambatang ipinalabas ng pangkat ay ang “Hoy, Bata’Wag” na isinulat ng mga kasapi ng PETA – Metropolitan Teen Theater Leage. Ang dula ay nasa ilalim ng direksyon nina Boyet Morandarte at Nemia G. Oya. Itinanghal ito noong Marso 4, 1989 at noong Disyembre 14-15, 1990 sa NCF S.T. Lobby. Isa itong realistikong dula tungkol sa mga batang maggagawa at pang-aabuso ng mga kabataan.

Nang sumunod na taon, binuo ng grupo ang “Ang batang si Allen” nina Guadel Moralde at Dhonna Oliva. Idinirihe ni Guadel Moralde, ang dula ay itinanghal sa NCF S.T. Quadrangle noong Mayo 7, 1999. Isa itong orihinal na katha tungkol sa kahalagahan ng gulay at ang maidudulot nito sa kalusugan ng isang bata.

Nang sumapit ang taong 2000, itinanghal ng grupo ang “Ibong Adarna,” halaw mula sa korido at idinirihe ni William M. Espejo. Ipinalabas ang dula sa NCF S.T. Quadrangle noong Mayo 2000. Ito ay isang semi-musikal na binuo para sa mga bata upang lalong mapatingkad ang isang klasikong kwentong –bayan na kinagigiliwan ng lahat.

Sinundan iyon ng “ Si Muning at si Doding Daga “ sa panulat at direksyon ni Dhonna Oliva. Itinanghal ang dula sa NCF S.T. Quadrangle noong Mayo 23, 2001. Dramatisasyon ito ng isang pabula tungkol sa daga at pusang nagging matalik na magkaibigan.

Noong 2002, nilikha naman ng grupo ang “ Si Emmang Encantada “ sa panulat at direksyonni Dhonna Oliva. Itinanghal ito sa NCF S.T. Quadrangle noong Mayo 25, 2002. Isa itong dulang pantsya tungkol sa tatlong batang pasaway na pinarusahan ng isang engkantada.

Taong 2002 rin nang buuin ng pangkat ang “ The Monkeys and the Dragonflies “ sa panulat at direksyon ni Dhonna Oliva. Ipinalabas ang dula sa NCF S.T. Wuadrangle noong Mayo 19, 2013. Isa itong pabulang isinadula at tungkol sa panlalamang ng matsing sa isang pagong at ang pagkakapanalo ng pagong laban sa matsing.

Nang dumatal ang taong 2004, nilikaha ng pangkat ang “Si Mr. Daga, at si Mrs. Daga, at ang Docktor” ni Leoncio P. Deriada sa direksyon ni Roy B. Fabay. Itinaghal sa NCF S.T. Quadrangle noong Mayo 17, 2004, ang dula ay tungkol sa isang pamilya ng mga daga na kung saan ay kinain ng isnag docktor ang mga aanak nito na hindi namamalayan ng mag-asawa.